NU kampeon sa boys’ at girls’ UAAP volleyball

MANILA, Philippines — Dobleng selebrasyon para sa National University-Nazareth School.

Nakumpleto ng Bullpups ang pagkopo sa back-to-back titles ma­tapos talunin ang top seed Far Eastern University-Diliman, 25-20, 25-20, 25-23, sa Game Two ng UAAP Season 82 boys’ volleyball championship kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Ito ang ikaapat na ko­rona ng Bullpups sa na­karaang limang seasons.

“Very happy ako kasi naibalik namin ‘yung attitude nila na nawala. From scratch, from almost fifth seed, nakuha pa namin ‘yung title. Nag-peak kami nitong time ng championship,” wi­ka ni NU coach Edgar Barroga.

Humataw si back-to-back Finals MVP Mac Bandola ng 15 points tampok ang 13 attacks para sa Bullpups.

Nagdagdag naman si Michaelo Buddin ng 17 mar­kers at 14 receptions, habang may 10 points si Bryan Jaleco kasama ang 6 blocks.

Samantala, nakum­ple­to rin ng Lady Bull­pups ang season sweep matapos ang 25-10, 25-17, 25-15 paggupo sa Adamson Baby Lady Falcons sa Game Two ng kanilang title series.

“The girls did well, gi­nusto nila ito,” paha­yag ni mentor Regine Diego sa kanyang mga La­dy Bullpups. “This championship is all them. They played with ener­gy, passion and every­­thing they’ve got.”

 

Show comments