MANILA,Philippines — Humataw ng season-high si Thirdy Ravena para pamunuan ang nagdedepensang Ateneo De Manila University sa 91-77 panalo kontra sa University of Santo Tomas sa Game One ng Season 82 UAAP men’s basketball championship kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagtala ang 6-foot-3 na si Ravena ng 32 points, 5 rebounds at 3 assist, habang may 18 markers at 12 boards si Ivorian import Ange Kouame para ilapit ang Blue Eagles sa asam na ‘three-peat’.
Bukod kina Ravena at Kouame ay hindi rin nagpahuli sina SJ Belangel, Gian Mamuyac at Will Navarro na may 12, 9, 6 markers, ayon sa pagkakasunod.
Maagang inilabas ng Ateneo ang kanilang bangis sa simula ng laban kung saan ay hawak nila ang 15-point lead, 32-17 sa first quarter.
Binanderahan naman ni Mark Nonoy ang ratsada ng Growling Tigers kung saan naghulog sila ng 19-3 run para idikit ang laro sa 38-41 sa 2:37 ng second period.
Iyon na ang huling pagkakataon na nakaramdam ng kaba ang Ateneo matapos ibaon ang UST sa 66-43 sa likod ng lay-up ni Ravena sa huling 4:31 minuto ng third period at hindi na bumitaw pa sa manibela patungo sa panalo.
“Well, it’s good to get the win obviously,” wika ni head coach Tab Baldwin. “Tonight, we shot the ball really well. That’s probably hasn’t been typical for us this year. But I think UST was so persistent. They keep coming at us and our defensive energy was really really good.”