MANILA, Philippines — Bubuksan ni dating La Salle guard Andrei Caracut ang bagong kabanata sa kanyang basketball career matapos hindi makapasok ang Green Archers sa Final Four ng 82nd UAAP men’s basketball tournament sa huli niyang playing year.
Inihayag ng 6-foot-1 guard ang desisyon niyang sumali sa San Miguel-Alab Pilipinas para sa ASEAN Basketball League 2019-2020 Season ngayong buwan.
“On to the next chapter. It’s an honor to play for your country with Alab Pilipinas,” wika ni Caracut.
Nagrehistro si Caracut ng mga averages na 9.6 points, 3.0 rebounds at 4.1 assists subalit sa hindi ito sumapat upang madala niya ang De La Salle sa Final Four.
Nagkasya sa 7-7 kartada ang Green Archers upang magtapos sa ikalimang puwesto sa likod ng FEU Tamaraws at Santo Tomas Tigers na may 8-6 baraha.
Sa kampo ng SMB-Alab ay sasamahan ni Caracut sa backcourt sina Fil-Am Jason Brickman, Roosevelt Adams, Aaron Aban, Louie Vigil, Jordan Heading at world import Khalif Wyatt.
Nasa koponan din ni head coach Jimmy Alapag si resident import Renaldo Balkman.