MANILA,Philippines — Rumatsada uli sa opensa sina Adrian Wong at Thirdy Ravena upang akayin ang back-to-back champion na Ateneo Blue Eagles sa Final 4 at lumapit sa asam na sweep sa elimination matapos pabagsakin ang karibal na De La Salle Green Archers, 77-69 kahapon sa Season 82 UAAP men’s basketball tournament sa Pasay City.
Nagsanib puwersa sina Wong, Ravena at Gian Mamuyac para ilista ang 10-3 run at makuha ang 71-58 abante papasok sa huling dalawang minuto ng laro tungo sa pagrehistro ng malinis na kartada 10-0 na nag-lapit sa kanila sa awtomatrikong finals slot.
“There was a good game of basketball, I thought the first half we looked more nervous than La Salle did, I thought they looked very compose.” pahayag ni coach Tab Baldwin. “I think if Adrian doesn’t come out hot we’re in trouble in the first half, fortunately he did.”
Kumolekta ng walo sa kanyang 18 puntos sa first quarter si Wong mula 4/7 shooting sa three-point line habang may 13 puntos at pitong rebounds naman si Ravena.
Hindi rin nagpahuli si Ange Kouame na may double-double na 10 puntos, 14 rebounds at tatlong supalpal para sa Ateneo.
Walang nagawa ang 15 puntos, walong rebounds at dalawang assist ni Encho Serrano para bumaba ang DLSU sa 4-5 record.
Nagpaulan ng tatlong triples si Rey Bienes sa fourth quarter upang tulungan ang FEU Tamaraws na makawala sa UST Growling Tigers, 72-58 para iangat ang koponan sa 5-5 win-loss pareho ng biktimang UST.
Bumomba ng siyam na puntos sa final canto si Bienes para sabayan ang pananalasa ng Tamaraws sa huling 5:38 minuto ng laro kung saan ginawa nila ang 19-5 run para tuluyang layuan ang Growling Tigers. - PJC