MANILA, Philippines — Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman ni Eloy Poligrates matapos masungkit ang 2019 PBA D-League MVP at mabigo naman ang Marinerong Pilipino na makumpleto ang championship sweep sa parehong araw kamakalawa sa Cuneta Astrodome.
Pinarangalan ang 31-anyos na beterano bago ang Game Two ng kanilang best-of-three Finals series kontra sa Saints na nadiskaril lang matapos makalasap ang Skippers na 60-74 kabiguan.
Iyon ang unang talo ng Marinero sa buong torneo matapos walisin ang 10 laro tungo sa championship para sana sa kasaysayang maging ikatlong koponan na makakumpleto ng D-League Conference sweep kasunod ng NLEX na nagawa ito noong 2012 at 2014 Foundation Cup.
Dahil doon, nahila na ngayon ang Skippers sa sudden-death Game Three kontra sa palabang Saints na masakit sa loob ng bagong hirang na MVP.
“Masaya kasi natanggap ko ‘tong award na ito pero pangalawa, malungkot kasi ‘di namin na-sweep eh,” ani Poligrates na nagrehistro ng 19.7 puntos, 3.6 rebounds, 2.9 assists at 2.0 steals sa sampung laro upang maibulsa ang pinakamataas na parangal sa D-League.