MANILA, Philippines — Nakabalik na sa paglalaro si Sean Anthony para sa Northport pero aminado itong malayo pa ito sa dating kondisyon upang lalong matulungan ang koponan makaangat sa ginaganap na 2019 PBA Go-vernors’ Cup.
Sumalang na ulit kamakalawa sa aksyon ang bete-ranong forward matapos ang anim na linggong pahinga at hindi paglalaro sa mga naunang games ng Batang Pier.
Sumailalim kasi si Anthony sa bone spurs removal sa kanyang left ankle nitong off-season matapos ang pagkatalo ng Northport sa Commissioner’s Cup quarterfinals sa kabila ng pagiging no. 2 seed.
Bunsod nito, nagkasya lang siya sa anim na puntos sa malamyang 3-of-14 shooting, sahog ang walong rebounds, limang assists at dalawang steals sa 28 minutong aksyon.
“First time playing 5-on-5 since last conference. I’m still trying to get my rhythm and my lungs,” ani Anthony.
Nangako si Anthony ng mas magandang performance sa susunod na laro lalo’t hangarin ng Northport na maisalba ang kampanya nito hawak ang 1-3 baraha papasok sa gitnang bahagi ng season-ending conference.
“It’s good to get up and down and play full court finally. Now I’ve got some rhythm going. Hopefully in the next game, get my lungs going and play a little better,” aniya. “We should come together. I gotta step up and get back and be ready.”
Sunod na makakaharap nina Anthony at ng Batang Pier ang wala pang galos na TNT KaTropa bukas.