MANILA, Philippines — Ipagpapatuloy ni Ange Kouame at ng Ateneo Blue Eagles ang pananalasa sa pagharap sa UST Growling Tigers sa pagbubukas ng second round of elimination ng season 82 UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall Of Asia Arena sa Pasay City.
Magtatagpo uli ang Blue Eagles at Growling Tigers sa alas-4 ng hapon pagkatapos ng duwelo ng University Of The East Red Warriors at Adamson Soaring Falcons sa alas-2.
Kumayod si Ivorian big man Ange Kouame ng 19 puntos, 15 rebounds at pitong supalpal upang pangunahan ang Blue Eagles na ilampaso ang karibal na UP Fighting Maroons, 89-63 para manatiling malinis ang kanilang nangungunang kartada na 7-0.
Tengga naman sa segunda ang Fighting Maroons na may 5-2 baraha papasok ng second round.
“Right now we have a lot of basketball ahead of us in a short period of time so we don’t have the luxury to take a breath and you know, talk about any accomplishments. In our eyes, there aren’t any accomplishments yet cause there’s another game (kontra sa UST) and that’s the one that counts. Really that’s all that we look at now is UST,” pahayag ni Ateneo coach Tab Baldwin.
Samantala, nais naman ng UST na makabangon mula sa kabiguan nang pataubin sila ng DLSU Green Archers, 92-77 na naging sanhi ng kanilang pangatlong kabiguan sa pitong laro.
Kasalukuyang nasa ikatlong puwesto ang UST tangan ang 4-3 kartada.
Hangad namang makawala ng Adamson sa three-way logjam sa 3-4 record kasama ang La Salle at Far Eastern U para masolo ang No. 4 spot laban sa East, may dalawang panalo lamang sa 6-laro, na nais namang makaahon mula sa ilalim.