SMB-Alab palalakasin ni Brickman

MANILA, Philippines — Bagong kabanata ang sisibol sa San Miguel-Alab Pilipinas sa nalalapit na pagsisimula ng 2019-2020 ASEAN Basketball League.

Ito ay matapos nitong sikwatin ang serbisyo ng Fil-Am point guard na si Jason Brickman upang ma-ging bagong lider nito sa paghihiganti nila sa prestihiyosong Asian tournament matapos matanggal sa trono noong nakaraang season.

Kinumpirma ng koponan ang signing nila kay Brickman na makailang ulit na ring naglaro sa Philippine teams tulad ng Mighty Sports sa 2019 Dubai International Basketball Championship sa UAE at 2019 William Jones Cup sa Taiwan na pinagwagian nila.

Bagong simula ito para sa Alab lalo’t sa unang pagkakataon ay hind na nila makakasama ang three-time ABL MVP na si Ray Parks Jr. na naglalaro na ngayon sa PBA para sa Blackwater Elite.

Kagagaling lang ng 28-anyos na si Brickman sa pambihirang stint sa Mono Vampire club ng Thailand. Doon ay nagrehistro siya ng 12.8 puntos, 8.9 assists, 4.5 rebounds at 1.8 steals.

Naglaro na rin siya sa Malaysia Westports Dra-gons na ginabayan niya sa 2016 ABL Championship tungo sa pagsungkit din ng Finals MVP award.

Sa Malaysia at Thailand ay nakunsidering Heritage import si Brickman subalit dahil isa siyang Fil-Am ay maglalaro siya bilang local player para sa Alab.

Bukod sa ABL, naglaro rin si Brickman para sa Thailand Basketball Superleague. Naglista siya doon ng 11.9 puntos at 8.8 assists para sa Hi-Tech Bangkok City.

Wala pang official at complete roster ang Alab Pi-lipinas subalit inaasahang makakasama doon ang resident import nitong si Renaldo Balkman gayundin si Justin Brownlee matapos ang kanyang Ginebra stint sa 2019 PBA Governors’ Cup.

Hangad ng Alab, sa pangunguna ni Brickman, na mabawi ang korona ngayon matapos masibak agad sa quarterfinals noong nakaraang season upang ma-patid ang tsansa nila sa back-to-back ABL championships.

 

Show comments