FCVBA gustong bawiin ang ASEAN veterans title

MANILA, Philippines — Hangad ng Filipino-Chinese Veterans Basketball Association (FCVBA) na mabawi ang kanilang korona sa 65-years-and-above division sa pagdribol   ng 28th ASEAN Veterans Basketball Tournament sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2 sa Chiang Mai, Thailand.

Nagwakas ang dominasyon ng FCVBA sa nasabing annual event matapos maisuko ang mga hawak na 60-and-above at 65-and-above titles na nagtulak kina “godfathers” Terry Que ng Rain or Shine at Jimi Lim ng Ironcon Builders na magdagdag ng mga PBA veterans.

Noong 2018 ay nabigo ang FCVBA na magwagi ng anumang titulo sa tatlong age categories.

Bukod kina Lim at Que, ang iba pang miyembro ng koponan ay sina dating Crispa enforcer Bong dela Cruz, Ching Ka Lee, Antonio Go, Zotico Tan, William Lao, Alfonso Kaw, Andrew Ongteco, Joel Gomez at Roberto Poblete.

Si Lee ang team captain ng Adamson Falcons noong 1970 UAAP, habang naglaro naman si Gomez para sa Crispa at si Poblete ay nakita sa aksyon para sa ITM sa MICAA. Hindi lamang nagpasok ng koponan ang FCVBA sa 65 at 60-and-above divisions kundi maging sa 50-and-above.

Noong 2016 ay winalis ng FCVBA ang lahat ng apat na age categories tampok ang pagbandera ni Kenneth Duremdes sa 40-and-above squad.

Show comments