Alapag, Uichico tutulong kay Cone

MANILA, Philippines — Titipunin agad ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang kanyang 15-man training pool ngayon ka­sama ang dalawang batikang coaches na tutulong sa kanya para masulit ang kanilang maikling paghahanda sa napipintong 30th Southeast Asian Games (SEAG) sa Nobyembre.

Kinuha ni Tim Cone sina Jimmy Alapag at Jong Uichico bilang dag­dag na personnel sa kan­yang Gilas Pilipinas coa­ching staff.

Bagama’t may ensayo rin ang kanyang koponan na Barangay Ginebra sa Upper Deck, lalagare si Cone sa Nationals’ trai­ning camp sa Meralco Gym upang masimulan ka­agad ang paglatag niya ng kanyang programa sa bagong buo na Philippine basketball team.

Upang magkaroon ng oras sa Gilas practice ay pinaaga ni Cone sa ala-1 hanggang alas-4 ng hapon ang ensayo ng Ginebra.

Nakatakda naman sa alas-6 hanggang alas-8 ng gabi ang Gilas training.

Inaasahan ang kumpletong attendance ng Gilas Pilipinas pool members sa pangunguna ng Ginebra core nina LA Tenorio, Scottie Thompson, Stanley Pringle, Art Dela Cruz, Greg Slaughter at Ja­peth Aguilar mula sa sa ka­nilang sariling practice.

Magmumula rin mula sa ensayo ng kani-kanilang mother teams sina Matthew Wright ng Phoenix, Vic Manuel ng Alaska, RR Po­goy, Troy Rosario at Jayson Castro ng TNT gayundin sina June Mar Fajardo, Chris Ross, Marcio Lassiter at Chrisitian Standhardinger ng San Miguel.

Magsisilbi ring player-coach ang pinagkakatiwa­lang player ni Cone na si Joe Devance na nakasama niya simula pa sa Alaska hanggang sa San Mig Coffee at sa Ginebra si De­vance na siyang pinakapamilyar sa kanyang coa­ching style at offense.

Sinimulan agad ang trai­ning  ng Gilas Pilipinas upang makahabol sa oras lalo’t dalawang buwan na lamang bago ang SEAG sa Nob­yembre 30 hanggang Dis­yembre 11.

Idinagdag ni Cone sina Alapag at Uichico dahil sa kanilang malawak na ka­ranasan sa mga internatio­nal competitions.

 

Show comments