MANILA, Philippines — Nagtala ng mga career-highs sina Encho Serrano at Aljun Melecio upang tulungan ang De La Salle University na pataubin ang University of Santo Tomas, 92-77, sa Season 82 UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagtala ng pinagsamang 55 points sina Serrano at Melecio para sa pangatlong panalo ng Green Archers sa pitong asignatura.
Naglista ang La Salle ng 10-point lead sa first half, 42-32, bago ibaon ang UST sa 78-61 sa likod ng hook shot ni Justine Baltazar sa 4:59 minuto ng final canto.
Nalasap ng Growling Tigers ang kanilang ikatlong pagkatalo sa pitong laro.
“Well, first of all we’d like to thank the Lord for this win,” pahayag ni Green Archers head coach Gian Nazario. “The way the team has been practicing, it showed in today’s game. We were just talking about it, when our team follows the game plan, result will follow after that.”
Pagpasok sa third quarter ay naibaba ng UST ang nasabing double-digit lead ng La Salle sa 45-49 sa likod ng three-point shot ni Brent Paraiso.
Huling nakadikit ang Growling Tigers sa 50-54 kasunod ang ratsada ni Serrano para muling ilayo ang Green Archers sa 67-58 papasok sa fourth period.
Ang magkasunod na triples ni Melecio ang nagtayo sa 17-point lead, 88-71, ng Taft-based cagers sa nalalabing 1:40 minuto ng labanan.
Tumapos si Serrano na may career-high na 29 points bukod pa ang 5 rebounds at 2 assists, habang tumipa si Melecio ng career-high na 26 markers kasama ang 5 assists para sa La Salle.
Nasayang naman ang kinamadang 22 points ni Paraiso para sa UST ni coach Aldin Ayo.
Sa ikalawang laro, sinuwag ng FEU Tamaraws ang Adamson Soaring Falcons, 83-71, patungo sa kanilang ikatlong panalo tampok ang 21 points, 19 boards at 6 blocks ni Pat Thuente.
Kumamada rin si Xyrus Torres ng 21 markers para sa Tamaraws.