MANILA, Philippines — Limang players ang umiskor ng double-figures para sa ikalawang sunod na pananalasa ng TNT Katropa.
Iginiya ni import KJ McDaniels ang 103-91 panalo ng Tropang Texters laban sa Rain or Shine Elasto Painters mula sa kanyang ipinosteng 37 points, 13 rebounds, 5 assists at 5 blocks sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagmula ang TNT Katropa sa 135-107 pagdurog sa Blackwater, habang nalasap ng Rain or Shine ang kanilang ikalawang kabiguan sa tatlong laban.
“We just have to stay together as a team and follow our gameplan,” ani McDaniels na naging teammate ni Terrence Jones para sa Houston Rockets sa NBA.
Nagdagdag si Troy Rosario ng 16 points kasunod ang 15 at tig-12 markers nina Jayson Castro, RR Pogoy at Don Trollano, ayon sa pagkakasunod, para sa Tropang Texters ni coach Bong Ravena.
Binanderahan naman ni reinforcement Joel Wright ang Elasto Painters mula sa kanyang 20 points, 8 boards, 3 assists.
Hindi na siya ipinasok ni coach Caloy Garcia matapos ang Flagrant Foul Penalty 1 kay Rosario sa huling 3:50 minuto ng fourth quarter kung saan sila nakalapit sa 86-91.
Ang magkasunod na tirada ni McDaniels at three-point shot ni Pogoy ang tuluyan nang naglayo sa TNT Katropa sa 103-88 sa nalalabing 56.4 segundo ng laro.
Nauna nang nakabangon ang Rain or Shine, nakahugot kay rookie Javee Mocon ng 19 points, sa 86-90 mula sa basket ni Wright sa 4:39 minuto ng final canto mula sa 12-point deficit, 59-71, sa 3:23 minuto ng third period.