Raxa Bago pinag-uusapan

MANILA, Philippines — Napag-usapan sa Facebook account ng Balitang Karera ang pagkakapanalo ng Raxa Bago sa Group Race cate­gory 10 noong Huwebes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Muling naalala ng mga karerista ang insidenteng sadyang pagpapatalo ng apprentice rider na si Fermin Parlocha sa Raxa Bago.

Maging ang trainer nitong si Donato Sordan ay nasama sa mga komento ng mga karerista.

Ayon sa opinyon ng isang karerista sa FB page ng Balitang Karera, magaling naman talaga ang Raxa Bago, niloloko lang ng mga humahawak sa kanya.

Ang iba ay galit na nagkomento kina Parlocha at Sordan.

Sa huling laban ng Raxa Bago, natuka nito sa meta ang magkakamping Tool Of Choice at Cole Is Bright.

Si class A rider Rodeo Fernandez ang gu­mabay sa Raxa Bago nang talunin ang naliyamadong Tool Of Choice at Cole Is Bright.

Parehong nasa una-han ang Cole Is Bright at Tool Of Choice papasok ng far turn kaya ginalaw ni Fernandez ang Raxa para makalapit.

Tatlong kabayo ang lamang ng magkakuwadra sa rumeremateng Raxa Bago sa rektahan.

Pero hindi nasira ang diskarte ni Fernandez, hindi tinigilan ang Raxa Bago sa pagkayog at pagpalo kaya naman nau-ngusan nila ang Tool Of Choice at Cole Is Bright.

Nirehistro ng Raxa Bago ang 1:13 minuto sa 1,200 meter race.

Samantala, kasama sa naging usapan ang mu-ling paghaharap ng Raxa Bago at Hidden Moment.

Ang Hidden Moment ang tumalo sa Raxa Bago nang mapatawan ng parusa ang Parlocha at si Sordan.

Suspendido ng isang taon ang Parlocha dahil sa paglabag nito sa PR 76.QQ ng Rules and Regulations ng Horse racing.

May kabigatan ang naging parusa ng trainer na si Sordan, bukod sa suspension ay magmumulta pa ito ng halagang P60,000 dahil guilty ito sa pag-violate ng PR 75.A ng Rules and Regulations ng Horse Racing.

Malaki ang tsansang manalo ng Raxa Bago sa Hidden Moment noong Agosto 8, pero nakita sa camera na sa huling 100 metro ng karera na hindi kumakayog ang Parlocha na kung tutuusin ay manana­lo sana.

Show comments