MANILA, Philippines — Lumapit ang BRT Sumisip Basilan St. Clare at Marinerong Pilipino sa asam na Finals berths matapos ipagpag ang mga kaharap sa Game 1 ng umaatikabong 2019 PBA D-League semi-finals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Dinomina ng Saints ang karibal na CEU, 86-70 habang pinanis ng Skippers ang TIP, 98-80 upang makahakbang ng isang panalo sa pagwalis ng best-of-three Final Four series.
Matamis na paghihiganti ito para sa St. Clare lalo’t ang CEU ang pumi-gil sa kanila na makapasok sa Finals noong nakaraang conference matapos ang tagumpay sa semis.
Sinigurado ni Malian slotman Mohammed Pare na hindi na ito mauulit sa pagkamada ng 19 puntos at pitong rebounds para sa Saints na kumaripas mula sa 40-37 na abante tungo sa mabilis na 51-37 kalamangan sakay ng 11-0 birada.
Tumabo naman ng kumpletong 14 puntos, anim na assists at limang rebounds si Joshua Fontanilla habang may 11 at 10 markers sina Junjie Hallare ay Jhaps Bautista para sa St. Clare na may tsansang walisin ang CEU sa Lunes upang makaabante na sa kanilang makasaysayang unang Finals appearance.
Nawalan ng silbi ang halimaw na 12 markers, 15 boards, apat na assists, anim na steals at tatlong supalpal ni Maodo Malick Diouf para sa Scorpions na susubok maka-puwersa ng sudden death Game 3 sa Lunes.
Ayaw namang paawat ni ex-PBA player Eloy Poligrates nang muling magpakawala ng 18 puntos upang gabayan sa kumbinsidong 18-puntos na tagumpay ang Marinero.
Sumuporta kay Poligrates sina Byron Villa-rias at kapitan na si Mark Yee na may 15 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Skippers na umariba agad sa 55-22 halftime lead.
Hindi na pumreno pa ang Marinero buhat noon at lumamang pa ng hanggang 32 puntos.
Nasayang ang 30-points at 17-rebounds ni Papa NDiaye.