MANILA, Philippines — Mas mataas ang inaasahan ngayon sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference silver medalist na Cignal HD Spikers sa darating na PSL Invitational Conference.
Gagamiting bentahe ng Cignal ang kanilang first-runner up finish noong nakaraang conference sa magiging kampanya nila ngayong conference.
Nagawang manggulat ng HD Spikers nang hubaran nila ng titulo ang Petron para makalusot sa una nilang Finals appearance sa All-Filipino tourney kaya’t doble trabaho ang gagawin nila sa kampanya nila ngayon.
“Para sa amin sa Cignal, hindi kami kuntento kung anong status ng team. So, everyday kung 100 percent ‘yung ini-aim namin, mas doble ‘yung binibigay namin kasi may goal kami,” wika ni HD Spikers captain Rachel Ann Daquis sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes sa Amelie Hotel-Manila. “Iyong goal na ‘yun ay hindi namin makukuha agad kasi napakahirap kalabanin ng mga team dito sa PSL. Kung ano ‘yung na-experience namin last conference dadalhin namin sa upcoming Invitationals at malaking tulong ‘yun.”
Gagawin ding motibasyon ng Cignal ang apat nilang teammates na kasama sa national team na sina Mylene Paat, Jovelyn Gonzaga, Roselyn Doria at Alohi-Robins-Hardy na nasa Thailand ngayon para lumaban sa 2019 ASEAN Grand Prix.
“Nagpapakahirap sila doon sa Thailand, hindi sila nagbabakasyon, doble ‘yung trabaho nila doon, so kaming naiwan dito mas doble din ‘yung training namin para makakasabay din kami sa kanila,” dagdag niya.