MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa ni tennis sensation Alexandra Eala matapos ilampaso si Annerly Poulos ng Australia, 6-1, 6-2, sa first round ng 2019 US Open juniors tournament girls’ singles sa Billie Jean King Tennis Center Court 4 sa New York.
Inilabas ni Eala ang matikas na baseline game para mabilis na patumbahin ang mas matandang Australian bet sa larong tumagal lamang ng 57 minuto.
Nagtala ang 14-anyos na Pinay netter ng apat na break points, habang mayroon siyang 20-of-25 (80%) percentage sa first serve at 16-of-28 (57%) sa second serve kontra sa 71% at 18% lamang ni Poulos na kasalukuyang No. 49 sa world ranking ng International Tennis Federation.
Nasa ika-114 naman si Eala na inaasahang aangat pa sa oras na maisama ang puntos na makukuha niya sa US Open.
Nakakuha pa si Eala ng 26-of-50 (52%) sa receiving points laban sa 17-of-53 (32%) ni Poulos.
Nakagawa ng anim na unforced errors si Poulos.
Makakatapat ni Eala sa second round si Mai Napatt Nirundorn ng Thailand na nanaig laban kay eighth seed Hurrican Tyra Black ng Amerika, 1-6, 5-2 (ret.).
Ito ang ikatlong panalo ni Eala sa Grand Slam event matapos pataubin sina Kimmi Hance ng Amerika, 6-3, 7-5, at top seed Romana Cisovska ng Slovakia, 6-3, 6-0, sa qualifying round.
Nahasa nang husto ang laro ni Eala sa kanyang pagsasanay sa Rafael Nadal Academy ni Grand Slam champion Rafael Nadal.