River Island bumandera sa Condition Race

MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas ang pambato ni Narciso Morales na River Island nang magwagi sa Condition Race cate­gory 17 noong Sabado ng hapon sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas.

Sakay si class B rider CM Pilapil, hindi nito inapura sa largahan ang liya­madong River island at pinanood lamang ang mga nag­lulutsahang Tempus Fugit na nirendahan ni former Philip­pine Sportswri­ters Association, (PSA) Jockey of the Year Jessie B. Guce at dehadong Hold On.

Pagpasok ng huling kurbada ay umusad na ang River Island at saka kinuha ang bandera sa rektahan.

Umabot sa limang kabayo ang ibinandera ng River Island sa hu­ling 100 metro ng laban kaya naman magaan na nakuha nito ang panalo sa 1,400 meter race.

Dumating na segun­do ang kakam­ping Rapids Run pero ang naging forecast ay ang Tonado Sprinter, tersero ang Barrio San Jose habang pang-apat ang Batas Kamao.

Sa unang karera, yumuko naman ang dalawang kabayo ni Morales na Let ItGo Let ItGo at Superal sa Condition race category 19.

Dumating na segun­do ang Let ItGo Let Itgo sa bumanderang tapos na Condessa.

Samantala, malaki ang naging dibidendo sa pentafecta sa Race 3 nang magwagi ang dehadong Sabtang Island, (3).

Nagbigay ng P10,005.00 na dibidendo sa kada P2.00 taya sa pentafecta, (3.1.5.2.8).

Ang ibang tumimbang sa 1,200 meter race ay ang Sense Of Rhythm, (1), Storm Shadow, (5), Musical Note, (2) at Spectreoftheknight, (8).

 

Show comments