MANILA, Philippines — Bukod sa malalaki ay may matindi pang outside shooting ang mga Italians.
Pinaluhod ng Italy ang Gilas Pilipinas, 108-62, sa pagbubukas ng 2019 FIBA World Cup kagabi sa Foshan International Sports and Cultural Center sa China.
Bumandera para sa panalo ng Italy sina NBA stars Danilo Gallinari at Marco Belinelli.
Kaagad itinayo ng FIBA No. 13 ranked team ang 29-point lead, 37-8, sa pagtatapos ng first period hanggang palobohin ito sa halftime, 62-24.
Sa nasabing yugto ay tumipa ang mga Italians ng 11-of-17 shooting sa three-point line kumpara sa 0-of-12 clip ng Nationals.
Tumipa si naturalized center Andray Blatche ng 15 points para sa tropa ni national coach Yeng Guiao at may 9 markers naman si five-time PBA MVP June Mar Fajardo na karamihan ay mula sa free throw line.
Huling nagharap ang Italy at Pilipinas sa World Cup noong 1978 kung saan nanaig ang mga Italians, 112-75.
Hinawakan ng mga Italians ang 86-39 kalamangan sa pagtiklop ng third quarter patungo sa pagtatala ng 98-48 bentahe mula sa slam dunk ni American-born Jeff Brooks sa huling 3:46 minuto ng final canto.
Nakatakdang labanan ng Gilas Pilipinas ang Serbia, tinalo ang Angola, 105-59, bukas.
Bumandera sina Bogdan Bogdanovic, Nikola Jokic, Nikola Milutinov at Boban Marjanovic para sa mga Serbians.
“Yes, we have already scouted the team. We know who we’re fronting,” ani Serbian coach Sasha Djordjevic sa tropa ni mentor Yeng Guiao.
Sa iba pang laro, tinakasan ng Puerto Rico ang paboritong Iran, 83-81, sa Group C; binigo naman ng Poland ang Venezuela, 73-57, sa Group A; at pinatumba ng Russia ang Nigeria, 82-77, sa Group B.