PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Philippines — Tagumpay si Aldrener Igot Jr. ng Cebu City sa pagsungkit ng kabuuang walong gintong medalya sa archery event para maging most bemedalled athlete sa 2019 Batang Pinoy National Finals kahapon dito sa Ramon V. Mitra Jr. Sports Complex.
Kasama ni Igot sina Khalil Jasper Abella at Kein Torreon para angkinin ang gintong medalya sa team event bago nagwagi sa mixed event kasama si Densil Shane Dinopol.
Ang iba pang ginto ng Cebuano archer ay mula sa 20m, 30m, 40m, 50m at FITA events.
Samantala sa ibang events, dinomina naman ng Taguig City ang karatedo sa SM City-Puerto Princesa mula sa kanilang limang gintong medalya at isang pilak mula kina Althea Mae Lamorte, Alec Rei Cervan, Baby Angel Lamorte, Lilah Naomi De la Vega at Drew Kirstein Tiglao sa girls’ kumite-54-kg.
Hindi naman nagpahuli sina Matthew Justine Hermosa ng Talisay City at Jeanna Mariel Canete matapos hawakan ang 13-15-year category sa triathlon na ibinaba sa aquathlon matapos kanselahin ang biking event dahil sa madulas na kalsada.
Ngunit ang hataw ni Igot ay hindi pa sapat para iangat ang Cebu City sa medal standings makaraang humakot ang back-to-back national champions na Baguio City ng 10 ginto sa wushu at walo sa muay thai at marami pang iba sa contact sports para sa 48-36-51 gold-silver-bronze haul.
Sa chess, nakuha ng Dasmariñas City ang dalawang ginto mula kina Jerlyn Mae San Diego at Michael Concio sa premier standard event boys at girls’ 13-15 years old event, ayon sa magkasunod.
Tatlong ginto ang kinuha ng Nueva Ecija sa taekwondo competition.
Ang Cebu City ay kumolekta naman ng apat na gold medal sa arnis event mula sa mga panalo nina Clifford Tonilon (Cadet A boys heavyweight), Mary Fhaline Caballero (Cadet A girls heavyweight), Albert Estrera (Cadet B boys heavyweight) at Crystal Bowman sa junior girls bantamweight class).