Harapang San Beda at Lyceum

MANILA, Philippines — Maghaharap ang top two seeds na San Beda Red Lions at Lyceum Pirates ngayon sa kanilang unang pagtatagpo sapul nang magsagupa sila sa Finals noong nakaraang taon sa pagpapatuloy ng Season 95 NCAA basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Haharapin ng solo leader na Red Lions ang pumapangalawang Pirates sa alas-4 ng hapon pagkatapos sa pagtatagpo ng EAC Generals at Perpetual Help Altas sa alas-2.  Sasagupain din ng Letran Knights ang San Sebastian Stags sa alas-12 ng tanghali.

Sa juniors division, magtatagpo rin ang SSC-R Staglets at Letran Squires sa alas-8 ng umaga at susundan ng laban ng EAC Brigadiers at UPHSD Junior Altas sa alas-10. Sa huling laro, target ng SBU Red Cubs na manatili sa solo liderato (6-1) sa pagharap sa LPU Junior Pirates (5-2) sa alas-6 ng gabi.

Patungo sa huling tatlong laro na lamang sa first round ng elimination, pinatunayan ng three-peat champion Red Lions at back-to-back runner-up Pirates na sila pa rin ang nanatiling paborito para sa titulo sa taong ito.

Napanatili ng SBU ang malinis na kartada sa 6-0 win-loss kartada matapos tambakan ang UPHSD Altas, 102-56 noong Biyernes at magwagi laban sa Letran (70-66) noong Agosto 10. Pumapangalawa naman ang Intramuros-based LPU sa 6-1 record.

Ang tanging talo pa lamang ng Pirates ay sa EAC Generals, 82-84 noong Hulyo 12 ngunit mula noon ay umani sila ng limang sunod na  panalo, ang hu-ling tatlo ay laban sa Letran (84-80) noong Hulyo 7, San Sebastian Stags (80-69) noong Hulyo 23, at St. Benilde Blazers (74-71) noong Biyernes lamang.

Halos lahat ng mga malalakas na koponan sa season na ito ay nasubukan na ng SBU Red Lions ni coach Boyet Fernandez maliban sa LPU na makakaharap nila ngayon at Blazers na makakasagupa nila sa Hulyo 23.

Kaya inaasahan ang magandang laban sa pagtatagpo ng Red Lions at Pirates kung saan nakataya ang solo liderato. Kung magwawagi ang SBU mananatili sila sa top spot pero kung mabibigo babagsak sila sa solo se-cond at aangat ang LPU sa liderato. Kung ang Ly-ceum naman ang matatalo mahuhulog sila sa solo third spot sa likuran ng SBU at St. Benilde Bla-zers (5-1).

Show comments