MANILA, Philippines — Pamilyar na import ang ipaparada ng Meralco para sa darating na 2019 PBA Governors’ Cup.
Ito ay si Allen Durham na hinirang na two-time Best Import awardee ng season-ending conference.
Sa nakalipas na tatlong PBA Governors’ Cup ay si Durham ang naging resident reinforcement ni head coach Norman Black.
Nagwagi si Durham bilang Best Import noong 2016 at 2017 kung saan niya nadala ang Bolts sa PBA Finals ng dalawang magkasunod na taon.
Sa kasamaang palad ay yumukod si Durham at ang Meralco sa dalawang magkasunod na taon din kontra kay Justin Brownlee at sa Barangay Ginebra.
Bumalik ulit ang 31-anyos na veteran noong 2018 Governor’s Cup subalit semis lang umabot ang Bolts sa kabila ng kanyang averages na 27.5 points, 20.5 rebounds at 7.0 assists.
Bukod sa PBA ay naging import din ng Meralco si Durham noong 2018 FIBA Asia Champions Cup kung saan nagtapos sa impresibong fourth place ang koponan kontra sa pinakamagagaling na club teams ng Asya mula sa CBA, KBL, at Japan B. League.
Nagmula si Durham sa Japan B. League para sa Shiga Lakestars kung saan siya nagrehistro ng mga averages na 22.3 points, 13.2 rebounds at 4.5 assists.
Inaasahan na malaking tulong si Durham sa Bolts lalo’t kagagaling lang ng tropa sa maagang bakasyon sa 2019 PBA Commissioner’s Cup bilang 9th placer.
Maagang darating si Durham para sa maagang paghahanda ng Meralco para sa pagbubukas ng PBA Governors’ Cup sa Setyembre 20 matapos ang 2019 FIBA World Cup.
Isa lamang si Durham sa mga nagbabalik na resident imports sa darating na komperensya kasama sina Eugene Phelps ng Meralco, Olu Ashaolu ng NLEX at Brownlee ng Ginebra.