Porter nagpapansin kay Pacquiao

MANILA, Philippines — Hindi pa man naikakasa ang laban ay nagyabang na si two-time world welterweight champion Shawn Porter na kaya niyang pataubin si reigning World Boxing Association (WBA) super welterweight champion Manny Pacquiao.

Ayon kay Porter, ga­gamitin niyang armas ang parehong estilong gi­namit ni Mexican fighter Juan Manuel Marquez la­ban kay Pacquiao sa ka­nilang huling paghaharap noong Disyembre 8, 2012 sa Las Vegas, Nevada.

Magugunitang naitarak ni Marquez ang sixth-round knockout win kay Pacquiao – ang pinaka­ma­saklap na kabiguang ti­namo ng Pinoy champion sa kanyang boxing ca­reer.

“You know, I just think I know what it takes to beat Manny. I think we saw a small glimpse to that when JuanMa (Marquez) knocked him out. I think I kind of have that recipe already, so I think I know what to do,” wika ni Porter sa panayam ng EsNews.

Isa si Porter, ang reig­ning World Boxing Council welter­weight tit­list, sa mga kandidatong ma­kalaban ni Pacquiao sa kanyang susunod na pag­tuntong sa ring.

Ngunit lalabanan mu­na niya si International Bo­xing Fe­deration king Errol Spence sa Setyembre 28 sa Staples Center sa Los Angeles, California.

Inaasahang personal na manonood si Pacquiao sa naturang laban na posibleng bahagi ng scouting nito.

“We’ll see. I might go into the fight and watch the fight on September,” ani Pacquiao sa kaniyang mga naunang panayam.

Naniniwala naman si Marquez na magandang ma­kaharap ni Pacquiao si Porter na nagtataglay ng kakaibang lakas na na­babagay sa boxing style ng Pambansang Kamao.

“Shawn Porter, maybe he’s good opponent for Pacquiao,” ani Marquez.

Kabilang din sa mga kandidato sina WBC silver welterweight champion Danny Garcia na ga­ling sa seventh-round knockout win kay Adrian Granados noong Abril at Mikey Garcia na nagmula naman sa unanimous de­cision loss kay Spence noong Marso.

Ngunit panguna­hing nasa radar ng Team Pacquiao ang rematch kay American figh­ter at re­­tirado nang si Floyd May­wea­ther Jr.

 

Show comments