Phelps muling tinapik ng Phoenix para sa Governors’ Cup

MANILA, Philippines — Pamilyar na import sa katauhan ni Eugene Phelps ang ipaparada ng Phoenix para sa 2019 PBA Governors’ Cup sa su­sunod na buwan.

Kinumpirma ni Fuel Mas­ters’  coach Louie Alas ang muling pagkuha kayi Phelps na inaasahang darating bukas.

Binansagang ‘El Destructor’, ito ang ikaapat na tour of duty ni Phelps bilang resident import ng Phoenix simula nang maging PBA guest player noong 2016.

Malaki ang responsi­bi­lidad sa balikat ng 29-anyos na si Phelps la­lo’t aasa sa kanya ang Fuel Masters sa kanilang pag­hihiganti sa season-ending conference matapos ang kalimot-limot na kampanya sa Commis­sio­ner’s Cup.

Hindi umabante ang Phoenix sa playoffs ng mid-season conference dahil sa 4-7 baraha para sa ika-10 puwesto.

Dahil wala pa rin si Calvin Abueva, nasa in­de­finite suspension ng PBA, inaasahan ni Alas at ng Fuel Masters ang pa­mumuno ni Phelps pa­ra makabalik sa tuktok ng pinakamatandang pro-league sa Asya.

Magugunitang noong nakaraang Governors’ Cup ay nagrehistro ng mga averages na 29.1 points, 18.5 rebounds at 4.4 assists si Phelps at nadala sa No. 2 seed ang Phoenix mula sa 8-4 kartada.

Subalit tumiklop si Phelps at ang Fuel Masters, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage, sa se­­mifinals duel nila ng Me­ralco Bolts kaya’t si­gu­­radong gu­tom na ba­ba­wi ngayon upang ma­tiyak ang una nilang PBA Finals appea­rance sa franchise history.

Inaasahan ding nasa kondisyon si Phelps lalot’ kagagaling lamang nito sa pambihirang kampan­ya kasama ang Mighty Sports sa katatapos lamang na 2019 William Jones Cup sa Taiwan no­ong nakaraang buwan.

Kasama si PBA import Renaldo Balkman, gi­na­yaban ni Phelps ang tro­pa sa 8-0 championship sweep sa Jones Cup.

 

 

Show comments