MANILA, Philippines — Isa si Sisi Rondina sa mga bumandera sa Petron Blaze Spikers para dungisan ang dating malinis na baraha ng F2 Logistics Cargo Movers sa Philippine Superliga All-Filipino Conference noong Huwebes.
Pumalo ng 22 points si Rondina sa likod ng 21 attacks at 1 block para pangunahan ang Petron sa 26-28, 27-29, 25-19, 25-20, 15-6 panalo.
Pero hindi niya iniisip ang kanyang individual performance.
“Hindi ko alam, Definitely gusto naming manalo talaga,” ani Rondina. “Alam naman natin na ang F2 Logistics talagang malakas na team.”
Tila naging energizer ng tropa si Rondina pagdating ng huling tatlong sets na nagbago sa takbo ng laro at pumabor sa kanila nang husto.
Para sa kanya, hindi mawawala ang lakas niya hangga’t hindi tapos ang laro.
“Titigil lang ako kapag tapos na ‘yung game. Bale ganoon na lang ‘yung attitude ko. Kasi hindi lahat kami maganda ‘yung gising, hindi rin lahat makakapaglaro nang maayos, sabi nga ni coach 100 percent kailangan ibigay mo lahat,” dagdag ng UAAP Season 81 MVP.
Maging si Petron coach Shaq delos Santos ay bilib sa ipinakitang determinasyon at husay ni Rondina at tinawag niya pa itong ‘spark plug’ ng defending champions.
Nakita rin ni Delos Santos ang improvement sa inilalaro ngayon ni Rondina at umaasa siyang magtuluy-tuloy na ito hanggang sa pagtatapos ng torneo.
“Tawag ko nga diyan spark plug. Kasi ‘yun talaga kapag isinalpak mo ‘yan sa team bumubuhay talaga sa team namin and mas nakita namin ‘yung improvement din niya ngayon,” ani Delos Santos.Fergus E. Josue, Jr.