SEMARANG, INDONESIA – Kumana ang Pilipinas ng dalawang gintong medalya mula sa swimming at athletics sa pagpapatuloy ng 11th Asean School Games na ginaganap sa Jatidiri Sports Complex dito.
Nagningning si Philippine national junior record holder Samantha Therese Coronel nang pagreynahan nito ang girls’ 100m backstroke matapos magtala ng isang minuto at 6.59 segundo.
Ito ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa swimming team sa torneo.
Nasikwat naman ni Mishka Sy ang tansong medalya sa naitala nitong 1:07.84 sa parehong event.
Napasakamay ni Azmina Primidit Ulol ng Indonesia ang pilak na medalya tangan ang 1:07.80.
Isa pang gintong medalya ang nasikwat ng Pilipinas mula naman kay Ann Katherine Quitoy sa girls’ javelin throw ng athletics competition.
Bumato si Quitoy ng impresibong 47.05 metro distansiya para masiguro ang unang puwesto.
Inilampaso ni Quitoy si Fira Firliana Yuni ng Indonesia na nagsumite ng 46.34m para magkasya sa pilak habang nakuha ni Siti Aminah Binti Abdul Hadi ng Malaysia ang tansong medalya makaraang magtala ito ng 45.84m.
Sa kabuuan, may dalawang ginto, anim na pilak at 12 tanso na ang Pilipinas sa Asean School Games para sa ikaanim na puwesto.
Nangunguna ang host Indonesia na may nalikom nang 20 ginto, 20 pilak at 15 tanso habang pumapangawala ang Thailand na may 17-19-19 kasunod sa ikatlo ang Malaysia (15-15-14), ikaapat ang Singapore (6-4-11) at ikalima angVietnam (6-3-4).