MANILA, Philippines — Babagsak si Keith Thurman sa ninth round.
Ito ang prediksyon ni Hall of Famer Freddie Roach ilang linggo bago ang nakatakdang salpukan nina Thurman at reigning World Boxing Association regular welterweight king Manny Pacquiao sa Hulyo 21 (Manila time) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Bihirang magbigay ng pre-fight prediction si Roach.
Ngunit sa pagkakataong ito ay kumpiyansa ang American trainer na mapapatumba ni Pacquiao si Thurman base na rin sa magandang kondisyon ng Pinoy champion.
“I think Manny’s going knock him out about the ninth round,” wika ni Roach. “This is the best camp we could’ve had. Our goal was to train Manny to win and I believe we’d done that. Manny will win, I have no doubt about that.”
Sasampa na si Pacquiao sa huling bahagi ng kanyang paghahanda.
Bukas ay nakatakdang tumulak mula Los Angeles ang Team Pacquiao patungong Las Vegas para doon ipagpatuloy ang preparasyon.
Tapos na ang mabibigat na ensayo ni Pacquiao.
Ilang running session, mitts at heavy bag na lang ang ginagawa niya.
Kagaya ng dati, nagpahinga si Pacquiao ng isang araw upang mabigyan ng pagkakataon ang kanyang katawan na makarekober.
Masaya si chief trainer Buboy Fernandez sa kinalabasan ng kanilang training camp.
Nasa perpektong kondisyon na si Pacquiao.
Kailangan na lang na mapanatili o mahigitan pa ito hanggang sa araw ng laban.
“We just have to maintain his perfect condition. Nandoon na lahat,” wika ni Fernandez.
Kumbinsido naman si strength and conditioning expert Justin Fortune na “mission accomplished” ang coaching staff.
“What we did were mere finishing touches of we’d already accomplished as early as three weeks ago. Manny’s sharp, fast and strong as ever,” ani Fortune.