MANILA, Philippines — Nakasiguro ang St. Clare College-Virtual Reality at Go For Gold -College of St. Benilde ng playoff spots sa Aspirants’ Group matapos ang dominanteng panalo laban sa magkaibang katunggali kahapon sa umiinit na 2019 PBA Developmental League sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Unang nakasiguro ng tadhana ang Scratchers matapos ibaon ang matagal nang sibak na McDavid, 119-101 sa pangunguna nina Clement Leutcheu at Edward Dixon.
Umariba sa 37-21 abante ang Go For Gold hanggang sa pamagain pa ito sa 31-puntos tu-ngo sa malaking panalo.
Dahil dito, tinapos ng Go For Gold ang kampanya nito sa 6-3 baraha na lubusang ikinatuwa ni coach Charles Tiu matapos ang malamyang 0-2 simula nila.
“We’re just happy that we made it to the quarterfinals,” ani Tiu na kagagaling lang sa D-League championship noong nakaraang taon na Foundation Cup.
Kumpletong 19 puntos, siyam na rebounds, tatlong assists at tatlong steals ang pinakawalan ni Leutcheu habang nagdagdag naman ng 16 puntos si Dixon.
Kumana din ng 13 puntos at 10 rebounds si Filipino-American sensation Roosevelt Adams para sa Go For Gold na sinamahan ang lider na Cignal-Ateneo (8-1) at St. Clare (6-3) papasok sa crossover quarterfinals kontra sa top four ng Foundation Group.
Hindi naman nagpahuli ang St. Clare na sumelyo rin ng post-season tickets matapos ang 119-89 pagtambak sa AMA Online Education sa ikalawang laro.
Anim na players ang umiskor ng double digits para sa St. Clare sa pangunguna ni Joshua Fontanilla na may 16 puntos, limang rebounds at anim na assists habang may tig-14 puntos din sina Irven Palencia at John Ambuludto.
Nauwi sa wala ang 27 puntos ng top overall pick na si Joshua Munzon para sa AMA na winakasan ang kampanya nito sa masakalap na 2-7 rekord.