Playoff pa ang DLSU at UST

MANILA, Philippines — Bumawi ang Far Eastern University Lady Tamaraws kontra sa De La Salle Lady Spikers, 25-22, 13-25, 15-25, 27-25, 15-8 habang winalis ng Ateneo Lady Eagles ang UE Lady Warriors, 25-20, 27-25, 25-11 kahapon para angkinin ang top spot sa pagtatapos sa elimination round ng Season 81 UAAP Volleyball Tournament sa The Arena sa San Juan City.

Dahil sa talo ng three-peat champion Lady Spikers, bumaba sila sa sos-yohan sa ikalawang puwesto kasama ang UST Tigresses sa parehong 10-4 win-loss kartada pagkatapos ng elimination round kaya maghaharap sila ngayong Miyerkules sa playoff upang pag-aagawan ang second spot at ikalawang twice-to-beat advantage.

Makakaharap ng Lady Eagles ang fourth seed na Lady Tamaraws sa unang semis match sa Sabado habang sigurado na rin ang UST at DLSU sa kanilang pagtatagpo sa ikalawang semis match. Tangan ng Lady Eagles ang unang semis bonus bilang top seed.

Ito ang ikatlong sunod na semifinals appearance ng Ateneo laban sa FEU kung saan nilampaso sila ng Lady Tamaraws noong nakaraang taon.

Pinangunahan ng beteranong si Heather Guino-o ang FEU Lady Tamaraws sa kanilang panalo sa DLSU Lady Spikers sa kanyang 24 puntos kabilang na ang 20 atake, isang block at tatlong aces.

Samantala sa men’s division, nakopo ng nagdedepensang NU Bulldogs ang ika-13th sunod na panalo matapos padapain ang FEU Tamaraws, 25-13, 25-23, 25-18, para manatili sa solo top spot habang  nagwagi naman ang Ateneo Blue Eagles kontra sa Adamson Falcons, 25-23, 30-28, 25-19, upang tumapos sa ikatlong puwesto sa 10-4 card pagkatapos ng elimination round.

Makakaharap ng two-peat seeking Bulldogs (13-1) ang No. 4 seed Soaring Falcons (9-5) habang magtatagpo naman ang No. 2 seed Tamaraws (11-3) at No.3 seed Blue Eagles (10-4) sa Final Four kung saan tangan kapwa ng NU at FEU ang twice-to-beat bantahe.

Show comments