Gabuco sumuntok ng gold

‘19 Asian Boxing Elite Championships

MANILA, Philippines – Sumuntok si dating world champion Josie Gabuco ng gintong medalya sa 2019 Asian Boxing Elite Championships na ginaganap sa Huamark Indoor Stadium sa Bangkok, Thailand.

Inirehistro ni Gabuco ang split decision win laban kay Kim Hyang Mi ng North Korea sa gold-medal match para pagreynahan ang women’s light flyweight category sa torneong inorganisa ng Asian Boxing Confederation.

Hindi ininda ni Gabuco ang mas matangkad na karibal nang gamitin nito ng malalim na karanasan para maikonekta ang ilang solidong suntok partikular na sa unang dalawang yugto ng laban.

Tuluyang dinomina ni Gabuco ang third round matapos pakawalan ang sunud-sunod na kumbinasyon para pigilan ang anumang pagtatangkang inilatag ng North Korean fighter.

Bigo namang sundan ni reigning Southeast Asian Games champion John Marvin ang tagum-pay ni Gabuco nang magkasya ito sa pilak na medalya sa men’s light heavyweight division.

Nagtamo si Marvin ng unanimous decision loss kay Bek Nurmaganbet ng Kazakhstan sa championship round. Nakapasok sa finals si Marvin nang igupo nito si Shinebayar Narmandakh ng Mongolia via split decision sa semifinals noong Huwebes ng gabi.

Nakahirit din si Ian Clark Bautista ng tansong medalya nang makapasok ito sa semifinals ng men’s bantamweight division.

Ngunit nabigo si Bautista kontra kay Mirazizbek Mirzahalilov ng Uzbekis-tan na nagtala ng split decision win sa semis.

Show comments