MANILA, Philippines — Sosyo sa segunda puwesto ang tangka ngayon ng Che’Lu Bar and Grill sa pakikipagtuos nito sa karibal at nagdedepensang kampeon na Go For Gold sa pagpapatuloy ng umaatikabong 2019 PBA Developmental League sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Magaganap ang rematch sa alas-3 ng hapon sa pagitan ng mga koponang nagbanggaan sa Finals ng semi-pro league noong nakaraang taon.
Magugunitang noong nakalipas na season ay kinapos ang noon ay top seed na Che’Lu kontra sa Go For Gold sa Finals, 1-2.
Sasakay ang Revellers sa 109-99 panalo nito kontra sa McDavid noong Marso 25 pa kung saan nakakuha sila ng balance at solidong atake sa kanilang mga pambato lalo na mula sa bagong salta na sina Sean Ma-nganti, Chris Dumapig at CESAFI Most Valuable Player Rey Suerte.
Makakasama ng tatlong manlalaro ang mga beteranong sina Jessia Collado, Jay R Taganas at Foundation Cup MVP na si Jeff Viernes sa misyon ng Che’Lu na makatabla ang St. Clare at UST sa segunda puwesto ng Aspirants Group hawak ang parehong 4-1 kartada.
“Ang problema kasi with the schedule, ang haba ng break. Sana lang ma-carry namin sa susunod na game,” ani coach Stevenson Tiu na sasalang sa duwelo matapos ang 20 araw na pahinga.
Matapos naman ang 0-3 simula, unti-unti nang nakukuha ng defending champion na Go For Gold ang dating bangis nito bunsod ng dalawang sunod na panalo--pinakabago nga dito ang 102-87 tagumpay kontra sa Batangas-EAC nitong nakaraang linggo.
Mangunguna sa atake ng Go For Gold ang pambato nitong si Justin Gutang na nagrerehistro ng 21.8 puntos kada laro.
Aalalay naman sa kanya ang beteranong si Yankie Haruna gayundin ang Filipino-American sensation na si Roosevelt Adams na magbabalik na mula sa injury.
Samantala sa isa pang laro, susubukan naman ng top overall pick at no.1 scorer ngayon na si Joshua Munzon na maiangat ang AMA Online Education (1-3) kontra sa namo-mroblema ring koponan na Batangas-EAC sa unang laban sa ala-1 ng hapon.