Ilagan City, Isabela, Philippines — Pinatunayan ni Erica Marie Ruto ng Calamba City ang pagiging fastest female runner matapos dominahin ang 400-m dash kahapon para maging most bemedalled ahlete sa athletics competition ng 2019 Philippine Sports Commission-Batang Pinoy Luzon Qualifying Leg sa Ilagan City Sports Complex dito.
Naorasan ang 14-anyos na si Ruto ng 1:00.00 sa 400-m run upang masungkit ang ikatlong gintong medalya kasunod sa kanyang panalo sa 100-m dash (12.53-sec) at 200-m dash (26.1-sec) noong isang araw.
“Sinusunod ko ang strategy ni coach (Yourke Tamayo) na mag-slow start tapos babawi na lang sa huling 200 meters. Nagpasalamat ako kay God at sa lahat ng sumusuporta sa akin,” sabi ng Grade IX estudyante ng Canlubang Integrated School.
Nakakuha rin ng dalawang ginto at isang silver si Chrause Magvrylle Matchino ng Laguna Province mula sa girls 2,000-m steeplechase (7:40.7) at 4x100-m relay kasama sina Janine Dauba, Kyla Elona at Evita Belloso sa oras na 52 segundo. Ang kanyang silver ay mula sa 1500-m run (5:02.6) na pinangunahan ni Leslie de Lima ng Camarines Sur (4:51.5).
Dalawang ginto na rin ang nakolekta ni Hussein Lorana ng Baguio City pagkaraang dominahin ang boys 5,000-m run matapos manalo sa 1,500-m run (4:27.1). Nagwagi rin si Gilbert Velasco ng Camarines Sur sa boys high jump (1.65-m) at si Gennalyn Estrada ng Pangasinan ang nag-uwi sa ginto sa girls shot put (10.68).
Nakuha rin ni Laurize Jeante Wangkay ng Biñan City ang ginto sa girls 2,000-m walk sa oras na 11:34.8 at si Gilbert Velasco ng Camarines Sur sa boys high jump (1.65-m) habang inangkin ni Gennalyn Estrada ng Pangasinan ang ginto sa girls shot put (10.68).