CEU, Metropac mag-aagawan sa liderato

MANILA, Philippines — Magsasalpukan ang Centro Escolar Univer­sity at Metropac–San Beda para sa solo lide­rato ng 2019 PBA Deve­lopmental League sa Pa­co Arena sa Maynila.

Nakatakda ang sagupaan ngayong alas-4 ng hapon kung saaan ikatlong sunod na tagumpay ang parehong hangad ng Scorpions at Mo­vers upang masolo ang unahan.

Gayundin ang ta­tangkain ng isa pang wa­lang talo na Valencia City Bukidnon–SSCR sa pakikipagtuos sa ku­lelat na SMCD–Natio­nal University sa unang laro sa alas-2.

Parehong depensa ang sinandalan ng da­lawang koponan sa ka­nilang unang dalawang laro sa torneo kaya’t si­guradong magiging puk­pukan ang naturang laban.

Nagbibigay lamang ng 70.5 points kada laro sa kanilang mga kala­ban ang CEU para ma­ging top defensive team sa D-League, habang na­ka­­buntot ang San Beda na nililimitahan ang mga katunggali sa 72.5 points.

Ito ang dahilan kaya’t ayaw magkumpiyansa ni Scorpions mentor Derrick Pumaren kontra sa Movers ni eight-time D-League champion Bo­­yet Fernan­dez.

“They are a tough team. Hopefully, we come out, show up, and step up to the challenge. This will be a good gauge for us kung nasaan na kami,” ani Pu­maren na sasakay sa 90-65 na tagumpay kontra sa University of Perpetual noong nakarang linggo.

Gigiyahan ng Sene­galese big man na si Maodo Malick Diouf ang atake ng Scorpions.

Subalit hindi papada­ig ang San Beda na ta­trangkuhan ni Came­ro­onian center Do­nald Tankoua kasama ang mga bagitong si­na James Canlas at Evan Nelle.

Maganda ang ipina­pakita ng dalawang San Beda players kasama ang mga beteranong sina Clint Doliguez at AC So­berano lalo’t nagsasanay pa ang koponan na maglaro na wala ang dalawang liders na sina Robert Bolick at Javee Mocon na nasa PBA na ngayon.

“I’m happy with the way they’re stepping up,” ani Fernandez. “The guys coming off the bench are stepping up and proving that they are capable of playing. That’s really our focus right now.”

Nagmula sa panalo ang San Be­da matapos ang malaking 94-70 ta­gumpay laban sa Wangs Basketball.

 

Show comments