MANILA, Philippines — Lalong lumaki ang nakataya sa idinaraos na 2019 Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 President’s Cup para sa lumahok na 12 koponan.
Bukod sa P1 milyon at tiket para sa kauna-unahang Asia-Pacific Super Quest, ang prestihiyosong pagkakataon na katawanin ang bansa sa FIBA 3x3 World Tour ang nag-aabang sa maghahari.
Ito ay matapos i-promote ng FIBA ang naturang liga bilang Quest Level, ayon kay league owner Ronald Mascariñas na nakuha ang basbas ni FIBA 3x3 Managing Director Alex Sanchex.
Bilang Quest Level ay Level Seven na ngayon ang Chooks Pilipinas 3x3 sa FIBA hierarchy na magiging isa na sa qualification league para sa FIBA 3x3 World Tour Masters Final sa Abril na gaganapin sa Doha, Qatar.
“Each and every one of you have poured your blood, sweat, and tears in trying to prove to the world that we deserve to be on the world stage. Seeing this, FIBA has been in awe with the action we have been bringing. That is why FIBA has promoted our league to Quest level,” ani Mascariñas.
Bunsod nito ay lalong humigpit ang labanan sa President’s Cup na pinamunuan ng Bataan at Pasig GrindHouse.
May tig-dalawang titulo sa unang apat na legs ang Bataan at Pasig papasok sa ikalimang leg ng pinakaunang 3x3 national league sa bansa na gaganapin sa Marso 31 sa SM Fairvew sa Quezon City.
Idaraos naman ang Grand Finals sa Abril 9 sa SM Megamall kung saan makikilala ang top two teams na kakatawan sa FIBA Asia-Pacific Super Quest na gaganapin sa bansa gayundin ang kampeon na kakatawan sa Pilipinas sa FIBA 3x3 World Tour Finals sa Doha.
Bukod sa Bataan at Pasig ay siguradong hindi papaiwan ang iba pang koponang kasali sa liga.