MANILA, Philippines — Ipapasilip ng mga alamat ang nakaraan sa bagong henerasyon sa banggaan ng mga klasikong koponan na San Miguel Beer at Alaska gayundin ang Barangay Ginebra at Purefoods sa ‘Return of the Rivals’ sa Smart Araneta Coliseum.
Unang magbabanggaan ang Beermen at Milkmen ngayong alas-4:30 ng hapon.
Matapos ito ay gigiyahan naman nina Robert Jaworski, Sr. at Ramon Fernandez ang Gin Kings at Hotdogs, ayon sa pagkakasunod, bilang mga coaches sa ‘Manila Clasico’ sa alas-7 ng gabi.
Matalik na magkasangga noon sina Jaworski at Fernandez para sa Toyota sa kasagsagan ng kanilang rivalry kontra sa Crispa noong 1970s.
Subalit nagkahiwalay sila ng landas nang ma-buwag ang parehong koponan hanggang mapadpad ang dating Senador sa Ginebra noong 1984 bilang playing coach.
Si Fernandez, ngayon ay Commissioner ng Philippine Sports Commission, ay naglaro muna sa Manila Beer at Tanduay bago kunin bilang playing coach ng expansion team na Purefoods noong 1988 upang maging karibal ni Jaworski na siyang naging simula ng ‘Manila Clasico’.
Ang ‘Return of the Rivals’ ay isang charity event ng PBA Legends Foundation para matulungan ang mga may sakit at retirado nang players.
Gigiyahan nina four-time MVP Alvin Patrimonio, Jerry Codiñera, Ronnie Magsanoc at Bong Ravena ang Purefoods katapat sina Marlou Aquino, Bal David, Noli Locsin, Rudy Distrito at Vince Hizon ng Ginebra.