MANILA, Philippines — Naidepensa ni dating world champion Francisco “Django” Bustamante ang korona nito sa 2019 Derby City Classic One Pocket Championship kahapon sa Horseshoe Southern Indiana Casino sa Elizabeth, Indiana sa Amerika.
Inilatag ni Bustamante ang malalim nitong karanasan upang dalawang beses payukuin si Corey Deuel ng Amerika sa best-of-three championship round para masiguro ang ikalawang sunod na korona sa One Pocket event.
Nauna nang tinalo ni Bustamante ang kababa-yang sina Dennis Orcollo at Alex Pagulayan gayundin sina dating world champion Thorsten Hohmann ng Germany, Justin Bergman ng Amerika, Joshua Filler ng Germany, Danny Smith ng Amerika at Cheng Yu Hsun ng Chinese-Taipei.
Naibulsa ni Bustamante ang tumataginting na $12,000 papremyo.
Magandang konsolasyon ito para kay Bustamante na nagkasya lamang sa ikalimang puwesto sa 2019 Derby City Classic Bigfoot 10-Ball Challenge na pinagharian naman ni Chang Jung-Lin ng Chinese-Taipei.
Dahil sa panalo sa One Pocket event, uma-ngat sa ikatlong puwesto si Bustamante sa Master of the Table race tangan ang 156.20 puntos.
Nangunguna sa lista-han si Skyler Woodward ng Amerika na may 207.50 puntos habang nasa ikalawang puwesto si Pinoy cue artist James Aranas na may 163.50 puntos.
Ang manlalarong may pinakamataas na puntos matapos ang apat na events – One Pocket, Banks Pool, 9-Ball at Bigfoot 10-Ball Challenge ang tatanghaling Master of the Table.
Hawak din ni Bustamante ang korona sa Master of the Table na napagwagian nito noong nakaraang taon.
Kailangan lang ni Bustamante na magkaroon ng mataas na puwesto sa 9-Ball para makalikom pa ng puntos at makahabol sa ranking.