MANILA, Philippines — Sisikapin ni Filipino flyweight champion Geje Eustaquio na mapanatili ang isa sa apat na natitirang titulo ng mga Pinoy sa ONE Championship sa pagharap kay Brazilian Adriano Moraes sa ONE: Hero’s Ascent sa MOA Arena sa Pasay City.
Matapos mahubaran ng titulo si strawweight Joshua Pacio bunga ng masaklap na split decision loss kay Japanese Yosuke Saruta sa ONE Eternal Glory sa Indonesia noong nakaraang Linggo, hangad ni Eustaquio ang matagumpay na pagdedepensa ng kanyang titulo na nakuha niya via split decision win kontra kay Moraes sa ONE: Pinnacle of Power sa Macau, China noong nakaraang taon.
Dahil sa kabiguan ni Pacio, apat na lang ang Pinoy title holders kasama sina Brandon Vera (heavyweight) Eduard Folayang (light) at Kevin Belingon (bantam) kaya medyo may pressure kay Eustaquio para mapanatili ang titulo sa poder ng Team Lakay.
“We worked hard to avoid what happened to my friend and teammate Joshua Pacio,” sabi ni Eustaquio may 11-6 (win-loss) record laban kay Moraes na may 17-3 karta. “If I will get the chance in winning via knock our or submission, I will go for it because we don’t want it to go the distance where anything can happen.”
Ikatlong paghaharap ito nina Eustaquio at Moraes, nanalo sa kanilang unang pagkikita sa ONE FC 20: Rise of Kingdom limang taon na ang nakakaraan.
Posibleng makakaharap ng mananalo sa labang ito ang dating Ultimate Fighting Championship titlist na si Demetrious Johnson.