Desidido ang Tornadoes

MANILA, Philippines — Desidido ang two-time champion Foton Tornadoes na maibalik sa kanilang teritoryo ang kampeonato matapos kunin ang serbisyo ng da-lawang mahuhusay na imports para sa 2019 Philippine Superliga Grand Prix.

Ipaparada ng Tornadoes sina Turkish Selime Ilyasoglu at American Courtney Felinski para makatuwang ng local players sa hangarin nilang mabawi ang korona ng Grand Prix.

Dumating na sa bansa sina Ilyasoglu at Felinski - na parehong outside hitter – para makaagapay sa sistema ng laro sa Pilipinas gayundin sa klima ng bansa.

“Welcome to the Phi-lippines and to Foton Fa-mily. American Outside Hitter Courtney Felins-ki and Turkish National Team Outside Hitter Selime Ilyasoglu,” ayon sa Twitter account ng Foton.

Miyembro si Ilyasoglu ng Turkish national team na sumabak sa 2011 European Championships at 2012 FIVB Grand Prix.

Nakapaglaro na ito sa commercial leagues kasama ang mga dating teams na Galatasaray Daikin, Idea Khonkaen at CSM Volei Alba Blaj.

Sa kabilang banda, itinanghal na MVP si Felinski sa Liiga Ploki sa Finland.

Nasilayan na rin ito sa Rote Raben Vilsbiburg sa Germany, TS Volley Dudingen sa Switzerland at Club Voleibol JAV Olimpico sa Canary Islands.

Inaasahang magiging dagdag lakas ang dalawang manlalaro para punan ang nabakanteng puwesto nina Jaja Santiago at Dindin Santiago-Manabat na parehong naglalaro sa commercial league sa Japan.

Makakasama nina Ilyasoglu at Felinski sina Carmina Aganon, Shaya Adorador, CJ Rosario, Maika Ortiz, Ivy Perez, Jen Reyes, Carla Sandoval at bagong recruit na si Elaine Kasilag.

Show comments