MANILA, Philippines — Isang beteranong big man ang nakatakdang dumagdag sa coaching staff ng Blackwater para sa misyong maipagpatuloy ang pagpapakitang-gilas sa 2019 Philippine Basketball Association sa susunod na taon.
At ito ay ang dating Barangay Ginebra player na si Rommel Adducul na planong kunin ng Elite bilang big man coach para sa 2019 PBA Philippine Cup na magsisimula sa Enero 13.
Tanging pirma na lang ng 42-anyos na si Adducul sa kanilang alok na coaching job ang hinihintay ng Blackwater management.
Mayroon ng inisyal na kasunduan ang dalawang panig na inaasahang maisapinal pagkatapos ng Christmas break dahil nasa ibang bansa pa si Adducul.
Bilang isang big man coach, si Adducul ang matotokang patigasin at palakasin ang frontcourt ng Blackwater na sina James Sena, Rabbah Al Husaini, Raymar Jose, Mac Belo at Abu Tratter kung sakaling maaprubahan ang trade sa pagitan ng Blackwater at NLEX.
Sa ngayon kasi ay nakabinbin pa sa PBA ang trade proposal na magtutulak kay JP Erram patungong Road Warriors kapalit ng fourth draft pick na si Paul Desiderio at seventh pick na si Tratter.
Kumpyansa ang Elite management na malaki ang maitutulong ni Adducul sa Blackwater lalo’t solid ang basketball resume nito.
Bago maglaro sa PBA, sa National Collegiate Athletic Association muna nagdomina ang 6-foot-6 na si Adducul na naging bahagi ng makasaysayang ‘five-peat’ ng San Sebastian Golden Stags mula 1993 hanggang 1997 kung kailan din siya nakasungkit ng dalawang Most Valuable Player awards.
Nagpatuloy ang kanyang pamamayani sa amateur leagues na Metropolitan Basketball Association at Philippine Basketball League bago ma-draft bilang No. 2 overall ng Ginebra noong 2003 PBA Rookie Draft.
Sa Gin Kings kung saan siya nabansagang “The General” ay nagkampeon si Adducul ng dalawang beses gayundin sa Purefoods ng isang beses.
Naglaro rin ang four-time PBA All-Star at one-time Mythical Team member sa Powerade at Globalport bago nagretiro noong 2013.
Sa kasalukuyan ay nagsisilbi ring head coach ang Cagayan-native na si Adducul kay Topex Robinson sa Lyceum Pirates sa NCAA.