MANILA, Philippines — Walang ibang pupuntahan ang Barangay Ginebra big man na si Japeth Aguilar, bagkus ay mananatili pa siya ng tatlong taon sa crowd-favorite team ng Philippine Basketball Association.
Ito ay matapos siyang pumirma ng higanteng three-year contract extension deal sa Gin Kings kung saan maghahari pa siya hanggang sa 2021.
Tumataginting na P15.12 milyon ang halaga ng bagong kontrata ni Aguilar na siyang pinaka-malaki niyang kontrata sa buong karera simula nang pumasok sa PBA noong 2009 bilang first overall pick.
Pabuya ito ng Gin Kings sa 6’9 big man na naging malaking piraso na ng koponan buhat nang mai-trade ito noong 2013.
Sa kampo ng Ginebra ay sumibol si Aguilar bilang isa pinakamagaling na big man sa liga kasabay noon ang pag-angat niya bilang isa sa franchise players ng koponan kasama ang iba pang mga beteranong sina Mark Caguioa, Joe Devance, Greg Slaughter at LA Tenorio maging ang rising superstar na si Scottie Thompson.
Ngayong taon, pinatunayan lalo ng 31-anyos na si Aguilar iyon nang magtala ng mga career-highs na 16.4 points, 6.8 rebounds, 1.9 assists at 1.2 blocks sa 48 laro ng Gin Kings na nakapasok sa semifinals sa lahat ng komperensyang nakalatag ngayong taon.
Isa rin si Aguilar sa dahilan ng kampeonato ng Ginebra sa PBA Commissioner’s Cup ngayong taon na siyang una nilang titulo sa mid-season conference ng PBA sa loob ng 21 taon o simula nang huling magwagi noong 1997 PBA Commissioner’s Cup.
Naging kandidato rin si Aguilar sa bawat conference ngayong season na dahilan ng pagiging kandidato niya rin sa pagka-Most Valuable Player ngayong taon bukod pa ang regular stint bilang resident national team member ng Gilas Pilipinas.