MANILA, Philippines — Sinunod ng beteranong jockey na si Jordan Cordova ang game-plan at nagbunga naman ito sakay ng Mam Candy para itala ang unang panalo ng kanilang tambalan sa nakaraang 2018 Philippine Horse Racing Commission’s Sampaguita Stakes Race noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Naghabol ang kabayo ni Christian Daniel Velasco ng hanggang tatlong quarters bago humarurot sa hu-ling 300 meters para iwanan ang mga kalaban kabilang ang paboritong Brilliance ng SC Stockfarm at ang nagtapos na second-placer na Secret Affair na may isang kabayong agwat sa oras na 1:53.4 sa P2-million stakes race na sponsored ng Philracom.
Nagsubi ang Mam Candy ng P1,200,000 sa panalo nito at nagbulsa si Jose Mario Jacob ng P70,000 bilang breeder’s prize.
“Sinunod lang namin ‘yung game-plan nu’ng trainer (Jacob). Pinakiramdaman muna namin ‘yung takbo, bago kami humataw doon sa huling diretso,” sabi ni Cordova sa post-race interview.
Kinuha ng Secret Affair ni Antonio V. Tan na sinakyan ni CS Pare Jr. ang second place para sa P450,000 habang ang Heiress of Hope ni Benhur Abalos na pinatungan ni jockey FM Raquel on board ang tersero para sa P250,000. Ang Real Flames, pagmamay-ari ni George Raquidan at sinakyan ni jockey RG Fernandez ang fourth placer para sa P100,000.