MANILA, Philippines — Inaasahan ni coach Alex Compton na muling pangungunahan ni guard Chris Banchero ang opensa ng Alaska sa pagpormalisa sa pagpitas sa tiket sa Top Four sa quarterfinal round ng 2018 PBA Governor’s Cup.
Hinirang ang Fil-Italian playmaker bilang Cignal-PBA Press Corps Player of the Week matapos maging instrumento sa huling dalawang panalo ng Aces.
Inungusan ni Banchero para sa nasabing weekly citation sina Meralco Fil-American players Cliff Hodge at guard Chris Newsome at sina San Miguel stalwart Chris Ross at rookie Christian Standhardinger.
Nagsumite ang 29-anyos na si Banchero ng mga averages na 19 points, 7 assists at 5.5 rebounds sa 104-94 pananaig ng Aces laban sa Columbian Dyip at sa 116-109 paggupo sa Blackwater Elite.
May magkakatulad na 7-2 record ang Magnolia, nagdedepensang Barangay Ginebra at Alaska na nag-lapit sa kanila sa inaasam na silya sa Top Four.
Ang No. 1, 2, 3 at 4 teams ang mabibigyan ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 8, 7, 6 at 5 squads, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinals.
Tumipa si Banchero, ang fifth overall pick ng Aces noong 2014 PBA Rookie Draft, ng 10 points, 11 assists at 7 rebounds, sa kanilang pananaig laban sa Dyip.
Naglista naman ang point guard ng PBA career-high na 28 points mula sa 12-of-16 fieldgoal shooting para pangunahan ang Alaska sa paggiba sa Blackwater noong Linggo.
Pipilitin ng Aces na angkinin ang insentibo sa pagsagupa sa NLEX Road Warriors sa Biyernes sa Ynares Center sa Antipolo City kasunod ang pakiki-pagtuos sa NorthPort sa Linggo sa Smart Araneta Coliseum.