MANILA, Philippines — Walang sinabi ang pagod at ang bagyong “Ompong” sa hangarin ng Team Pilipinas na makapaghanda para sa krusyal na laban kontra sa Qatar sa 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Kararating pa lang kahapon ng umaga sa mahabang biyahe mula sa Iran ay ipinagpag ng koponan ni head coach Yeng Guiao ang kanilang mga pagod at sinuong din ang malakas na hangin at ulan upang makapag-ensayo agad.
Mula sa tinutuluyan sa Novotel Hotel sa tabi ng Big Dome ay sumalang agad sa ensayo kinagabihan ang koponan sa kalapit na Victoria Sports Center.
Bago ito ay nagdaos din sila ng dalawang oras na film viewing session upang aralin ang kanilang mga pagkakamali at pagkukulang sa masaklap na 73-81 kabiguan kontra sa host Iran kamakalawa ng gabi sa Tehran.
Ito ay upang makahabol ang koponan sa panahong nasayang bunsod nga ng 12-oras na delay ng kanilang biyahe.
Noong Biyernes ng gabi pa sana nakarating sa bansa ang tropa ngunit na-stranded sa Dubai International Airport bunsod ng bagyong “Ompong” dahilan ng pagkaantala ng kanilang biyahe.
Nagpahinga ang koponan kagabi bago sumalang sa huling pagsasanay ngayong gabi sa Meralco Gym.
Nakatakdang ring pangalanan ni Guiao ang kanyang bagong 12-man line-up kontra sa Qatar.
Inaasahang papasok sa roster si Stanley Pringle upang palitan si Christian Standhardinger bilang naturalized player, habang isasali rin sina Japeth Aguilar at Matthew Wright na nagugol na ang kanilang suspensyon bunsod ng kinasangkutang rambol sa Australia sa pagtatapos ng first round noong Hulyo 2.
Walang katiyakan kung maglalaro si Greg Slaughter bunsod ng kanyang left ankle injury.
Tatangkain ng Team Pilipinas ang krusyal na panalo sa Qatar para mapatatag ang puwesto sa Group F.
Nakatengga sa ikatlong puwesto ang tropa sa hawak na 4-3 kartada sa likod ng Australia (6-1) at Iran (6-1).
Nakabuntot ang Japan (3-4), Kazakhstan (3-4) at Qatar (2-5) na siguradong susubok makasungkit ng panalo.
Kagagaling ng Qatar sa mapait na 43-95 kabiguan kontra sa Boomers.
Samantala, wala namang aasahang ‘homecourt advantage’ ang Pilipinas kontra sa Qatar dahil magiging closed-door ang naturang laban bilang isa sa parusa ng FIBA.