MANILA, Philippines – Halos 80% ng kabuuang taya ay sa kabayong Sinduda ngunit hindi maganda ang itinakbo ng kabayo sa huling karera sa pista ng Metro Turf Club sa Malvar, Batangas noong Linggo.
Tumimbang lang ang Sinduda na pang-siyam sa nasabing karera kung saan ang dehadong kabayo na Avenue Shopper ang nanalo na sinundan ng mga dehado ring Light and Shade at Jack of Clubs bilang segunda at tersero puwesto.
Dahil dito, ang ibinigay na tama sa Forecast ay P3,101.50 kada-limang pisong taya sa nanalong kumbinasyon na 4-10 habang ang Trifecta naman na may kumbinasyong 4-10-12 ay nagbigay ng napakalaking P67,149.60 tama sa kada-ticket.
Carry-Over naman o walang nanalo sa mga taya sa Exotic Bets na Quartet, Pentafecta at Super-Six dahil sa ‘di pagpuwesto ng oustanding favorite na Sinduda.
Malaki rin ang ibinigay sa Daily Double dahil P592 ang tama ng isang ticket kabit sa liyamadong kabayo na nanalo sa Race 11 na Masumax habang sa Extra Double naman kabit sa kabayong Princess Jem na nanalo sa Race 10 ay nagbigay ng dibidendong P3,030.
Biglang ganda naman ang mga naging dibidendo sa Pick-4, Pick-5, Pick-6 at Winner Take-All dahil sa panalo ng dehadong Avenue Shopper kung saan sa Pick-4 palang ay P7,018.80 na kaagad ang naiuwi ng suwerteng karerista na nakakuha sa nanalong kumbinasyon na 2-6-5-4.
Ang Pick-5 ay nagbigay ng P7,840.20 at ang Pick-6 ay nagbigay ng P19,172.60 habang ang Winner Take-All na may nanalong kumbinasyon na 1-7-2-2-6-5-4 ay nagbigay ng tamang P31,521.60 sa isang ticket o kada dalawang pisong taya.