MANILA, Philippines — Ikakasa ng Philippine Sports Commission ang 3rd leg ng Indigenous Peoples Games (IPG) sa Agosto 21-23 sa Ifugao Province.
“This is our third leg of the IP Games following the two previous ones in Lake Sebu, South Cotabato and Davao del Norte. We very excited to witness and learn from the unique traditional games in Ifugao,” sabi kahapon ni PSC Commissioner Charles Raymond A. Maxey.
Idinagdag ni Maxey na ang pagkain kasama ang mga collared at round neck t-shirts at transportation subsidy ay sagot ng PSC, habang ang host province ang bahala sa mga gagamiting venues.
Inaasahang dadalo si Ifugao Governor Pedro G. Mayam-o sa opening ceremony ng nasabing kompetisyon.
Kabuuang 400 partisipante mula sa 11 local government units (LGUs) kasama ang Aguinaldo, Alfonso Lista, Asipulo, Banaue, Hingyon, Hungduan, Kiangan, Lagawe, Lamut, Mayoyao at Tinoc ang lalahok sa nasabing three-day competition na magtatampok sa mga traditional sports at games ng IPs.
Nakipagtulungan si Ifugao Provincial Sports Coordinator Maureen Inhumang sa Indigenous Peoples Education (IPED) para sa pagpili ng mga ilalahok na LGUs pati na ang mga ilalatag na traditional games.
Hahatiin sa anim na cluster teams ang 11 munisipalidad na sasabak sa mga traditional games kagaya ng pating race, akkad, hanggul, volleyball in g-string, bowot, lattik, labba race, kadang-kadang, paktilan, bultong, log race, guyyudan, pig catching, munbayu at munparti ya munlagim.