MANILA, Philippines — Dinaig ni Pinoy International Master John Marvin Miciano si Joachim Bergre ng Sweden at nakipag-draw kay Singaporean Advait Bagri sa seventh at eighth round para makapasok sa Top 15 papunta sa final round ng Burgse Meesters in Burges, Belgium noong Miyerkules ng gabi.
Umibabaw si Miciano mula sa ilalim matapos isuko ang unang laro at nakipaghati ng puntos sa ikalawa niyang laban.
Nakisosyo si Miciano sa 13 pang player sa 13th place sa magkakatulad nilang 5.5 points makaraang magsulong ng limang puntos sa huling anim na rounds.
Nakapalaman dito ang apat na panalo ng Far Eastern University top board player.
Maaari siyang makasama sa Top 10 kung tatalunin si Christopher Russel ng England kagabi.
Samantala, tinalo ni Grand Master Oleg Korneev ng Spain si second seed GM Zeng Chongsheng ng China para sa kanyang ikaanim na sunod na panalo at iposte ang 7.0 points.
Natalo naman si Filipina Woman GM Janelle Mae Frayna kay FIDE affiliated WIM Tsveta Galunova, habang nakipag-draw si Pinoy GM Jayson Gonzales kay Alex Moreto Quintana ng Spain para sa kanyang 5.0 points.
Nilalabanan pa kagabi ni Frayna si Tim Peeters ng Belgium at kalaro naman ni Gonzales si Belgian Joris Verhelst at umaasang mapapasama sa Top 20 ng kompetisyon.