MANILA, Philippines — Pinayuko ng Generika-Ayala Lifesavers ang Petron Blaze Spikers, 25-23, 19-25, 25-22, 31-33, 15-11 upang masungkit ang ikatlong panalo kahapon sa pagpapatuloy ng 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga Invitational Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Humataw ng 5-0 run sina Patty Orendain, Ross Hingpit at Angeli Araneta para surpresahin ang paboritong 2018 Grand Prix champion Blaze Spikers sa unang yugto pa lamang.
Kahit hindi nila napanatili ang momentum sa ikalawang set, ngunit bumawi naman ang Lifesavers sa third set bago nabigo sa fourth set na humantong sa pagsalba ng anim na match points, 31-33.
Pagkaraan ng halos dalawang oras at 13 minuto, tuluyan nang inangkin ng Lifesavers ang panalo sa dalawang sunod na atake ni Orendain.
Humataw din ang libero na si Kathleen Faith Arado ng 42 excellent digs at 23 puntos naman kay Orendain kabilang na ang 22 atake at isang ace. Ang tanging talo pa lamang ng Lifesavers ay sa F2 Logistics, 20-25, 16-25, 20-25 noong Hulyo 5.
Ang Blaze Spikers naman nina Mika Reyes, Frances Molina, Rhea Dimaculangan, Bernadeth Pons at Aiza Maizo-Pontillas ay bumaba sa 2-1 win-loss kartada sa Pool A.
Samantala, kahit walong players lamang sa 20-man national pool ang naglaro pero naitakas pa rin nila ang 25-16, 25-17, 25-17 laban sa Smart-Army Giga Hitters para makumpleto ang three-game sweep sa torneo.
“We’re happy with the performance of the team. We haven’t train yet and we’re always incomplete during games. We’re not so prepared for the Invitationals but we are so proud because all the players who played performed their best,” sabi ni national team coach Shaq De Los Santos.
Umiskor si Jaja Santiago ng 15 puntos kabilang na ang 12 atake at pitong excellent receptions .