MANILA, Philippines — Inangkin muli ni Rey Guevarra ang tropeo ng Slam Dunk Contest nang alpasan sa ere ang high-flyer din na si Renz Palma sa umaatikabong side events ng 2018 Philippine Basketball Association (PBA) All Star Weekend Luzon Leg sa Batangas City Sports Center kahapon.
Ngunit ‘di naging madali ang pagbawi ni Gueverra ng Phoenix sa kanyang titulo dahil kinailangan pa nito ng extra dunk sa clincher matapos magtabla sa Finals ang dalawa sa parehong iskor na 75 puntos.
Doon ay umiskor siya ng perfect 40 points bunsod ng alley-oop windmill dunk tungo sa kanyang ikaapat na slam dunk title — ikalawa sa pinakamarami sa kasaysayan kasunod ng 5 crowns ni hall of famer KG Canaleta.
“Nilabas ko na lahat ng dunk ko dahil sa kanya. Kailanngan talagang itaas ‘yung bar para malampasan ko s’ya. Magaling ‘yung bata,” ani Guevarra sa rookie ng Blackwater na si Palma na kinapos lamang sa 39 puntos.
Nagpasiklaban ang dalawa sa two-round Finals nang tapatan ni Palma na tumalon mula sa free throw line ang motorcycle dunk naman ni Guevarra upang magtabla sila sa 75 puntos papasok ng sudden death round.
Bunsod nito, naka-bawi na si Guevarra sa kanyang pagkatalo noong nakaraang taon kay Chris Newsome na siya namang natanggal agad sa elimination round sa ngayong PBA All Star spectacle na suportado rin ng Peak Sports Apparel, Molten, PBA Rush-Cignal, Nature’s Spring, TAGHeuer, Gatorade, at Rain or Shine.
Si ‘Vintage’ James Yap ang naghari sa Three Point Shootout nang magbuslo ng 24 puntos upang daigin ang kapwa finalists na sina Stanley Pringle ng Globalport at Terrence Romeo ng Talk ‘N Text na may 21 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.
“Pwede pa, pwede pa,” pagbibiro ng 36-anyos na si Yap na huling nagkampeon noon pang 2009.
Si Yap din ang nanguna sa elimination round sa parehong 24 puntos habang may 23 at 22 puntos naman sina Romeo at Pringle upang makapasok sa Final round.
Sa pinakabagong Obstacle Challenge na nilahukan ng PBA big men sa unang pagkakataon, ipinamalas ni Beau Belga ng Rain or Shine ang kanyang dribbling at shooting skills nang magtala ng mabilis na 21.7 segundo tungo sa titulo.