Korotkov International Memorial Boxing tourney
MANILA, Philippines – Tatlong miyembro ng national boxing team ang nakasiguro ng tiket sa semifinals ng 2018 Konstantin Korotkov International Memorial Boxing Tournament na ginaganap sa Khabarovsk, Russia.
Pare-parehong nagtala ng unanimous decision win sina James Palicte, Aira Villegas at Women’s World Championship silver medalist Nesthy Petecio para makatungtong sa medal round kung saan makakasisiguro na ang tatlo ng tansong medalya.
Iginupo ni Palicte si Guseyn Magomedov ng Russia sa men’s lightweight - 60 kg. habang nanaig si Villegas kay Nandintcecheg Myagmardulam ng Mongolia sa women’s 48-51 kg. class at namayani si Petecio kay Karina Tazabekova ng Russia sa wo-men’s 57 kg. category.
Hihirit ng tiket sa finals si Palicte kalaban ang magwawagi sa pagitan nina Terik Petrosyan ng Armenia at Darkhan Zhumsakbaev ng Kazakhstan.
Nag-aabang na rin si Villegas sa kanyang makakasagupa sa semis sa mananalo kina Chang Yuan ng China at Gelyusa Gaieva ng Russia gayundin si Petecio na lalarga sa mananaig kina Ilona Nad ng Hungary at Yin Junhua ng China.
Bigo namang umabante sa semis si Joel Bacho na yumuko kay Liao Wen Jiu ng China sa quarterfinals ng men’s welterweight (69 kg.) ng torneong may basbas ng International Boxing Association.
Nakatakda ring sumalang sina Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial at Carlo Paalam sa kani-kaniyang dibisyon.