MANILA, Philippines — Para palakasin ang kanyang paghahanda ay kinuha ni Manny Pacquiao si General Santos City native Nonito Donaire Sr. bilang assistant trainer.
Si Donaire, Sr. ay ama ni dating world five-division champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. at naging trainer ni dating Pinoy world super flyweight titlist Marvin Sonsona.
Kumpiyansa si Pacquiao na malaki ang maitutulong ni Donaire, Sr. sa kanyang preparasyon sa paghahamon niya kay WBA welterweight king Lucas Matthysse ng Argentina sa Hulyo 15 sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“Donaire will serve as one of the assistant coaches,” sabi ni Pacquiao, kasalukuyang nag-eensayo sa General Santos City kasama si Filipino trainer Buboy Fernandez.
“So far, so good. I am happy with my current team,” dagdag pa ng Filipino world eight-division champion.
Wala pang napipili si Pacquiao na gagawin niyang strength and conditiong coach.
Ngunit posibleng muli niyang kunin si Australian Justin Fortune na tumulong sa kanya sa paghahanda nang labanan si Jeff Horn noong Hulyo ng nakaraang taon sa Brisbane, Australia.
Hangad ni Pacquiao na magkaroon ng isang all-Filipino line-up sa kanyang corner.
Hindi na kinuha ni Pacquiao si long time trainer Freddie Roach para sa kanyang corner sa paghahamon sa 35-anyos na si Matthysse.
Gusto ni Pacquiao na maging all-Filipino line-up ang Team Pacquiao sa kanyang hangaring manalo ng 11th world title kontra sa kalabang may 36 Ko sa kanyang 39 wins.