SMB-Alab Pilipinas nakauna na

MANILA, Philippines — Matapos magwagi sa Game One, hangad ng San Miguel-Alab Pilipinas na tapusin na ang best-of-three semifinal series sa kanilang muling pagharap laban sa Hong Kong Eastern Lions sa GameTwo ngayong Linggo sa Sta. Rosa Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna.

Gamit ang mahigpit na depensa, naka-eskapo ang Alab Pilipinas laban sa nagdedepensang Hong Kong, 98-94 para pangunahan ang serye, 1-0 at humakbang ang isang paa tungo sa best-of-five championship series.

Umiskor si Renaldo Balkman ng 46 puntos na may kasamang 14 rebounds, apat na assists, apat na steals at dalawang blocks para makaganti sa kanilang dalawang talo sa mga kamay ng Eastern Lions sa elimination round.

Ang 46 puntos ni Balkman ay panibagong playoff  highest scoring record ng ABL na bumura sa dating 45 ni Justin Howard ng Singapore Slingers noong nakaraang taon.

“We just came out and played hard. Every possession we kept playing hard on defense and we came together as a team. That’s what the playoff are all about. I told them we’re gonna put on a show when we come down here,” sabi ng 33-anyos na si Balkman ng Puerto Rico.

Lumamang pa ng mahigit 13 puntos ang Eastern Lions, 23-10 sa unang yugto bago umarangkada ang mga Pinoy sa pangunguna nina Balkman at Justin Brownlee.

“It’s was going to take a huge effort from our part especially with how we started the ball game. Hong Kong Eastern came out and grabbed the big lead but we continued to stay focused and not getting rattled until we found a way in the second quarter,” ayon naman kay Alab coach Jimmy Alapag.

Pagkaraang makuha na ang kanilang rhythm, lumayo ng hanggang 14 puntos ang tropa ni Alapag, 73-59, mahigit 2:08 ang natitira. Ngunit, ayaw umatras ng Hong Kong at sa back-to-back triple nina Tyler Lamb at Lee Ki, tumabla pa ang kalaban sa 94-94 mahigit 56 segundo na lang ang nalalabi.

Pero nakumpleto ni Balkman ang dalawang free throws mula sa foul ni Adam Xuna sinundan din ng dalawa pa ni Brownlee sa charity line para sa final score.

Sa iba pang semis match, sinorpresa rin ng fourth seed Mono Vampire Thailand ang top seed CSK China, 103-94 para sa 1-0 bentahe sa sarili nilang serye sa Nanhai, China.  

Show comments